Sunday, July 24, 2011

Buhay Call Center

"Thank you for calling... How may I help you?"

Yan ang linyang ginagamit sa industriyang iniikutan ko. Mga 2003 siguro ako nagsimulang magtrabaho sa isang call center. Kumakanta kasi ako dati. Okay sana kasi enjoy enjoy lang. Nakakainom ka pa gabi gabi. Pero hindi naman din kasi ganoon ka stable ang buhay ng isang musikero.

Isang araw, napagpasyahan kong mag apply sa isang call center sa Eastwood. Bakit call center? Lagi ko kasi naririnig na okay ang sweldo dito. Kinakabahan pa ko noon syempre kasi first time ko. Nosebleed pa dahil dapat magaling daw mag Ingles. Confident naman ako dahil nakapag aral naman ako sa magandang paaralan. Pero iba pa rin talaga yung feeling na ikaw yung aplikante.

Ayos! One day process! Natanggap ako! Woohooo!! First time real job ko 'to!

Agent o CSR ang tawag sa akin noon. Training. Masaya. Parang classroom lang. Sabay sabay kayong nagaaral at titingnan kung makakapasa ka. Tinuruan kami magsalita ng Ingles na may accent. Sus! Ano bang pinagkaiba nun sa karaniwang Ingles? Oh well.. Makalipas ang isang buwan, nalipat kami sa Makati. Wow pare hebigat! Ang layo! Paalala ko lang na sa Antipolo ako nakatira. E kung lumamon pa naman ng gasolina ang sasakyan na lagi kong dala dati e susmaryosep! Parang laging uhaw! Kinailangan kong tumira sa mas malapit sa opisina dahil nahihirapan ako lalo na sa schedule. Okay naman ang account na napuntahan ko. Sales. In short, nagbebenta ng mga computer sa mga Kano. Okay naman. Pero walong buwan lang ang itinagal ko. Nakakasawa din pala magbenta ng paulit ulit. Yun at yun lang ang ginagawa mo. O siguro, dahil baguhan ako sa mundong ito, madali akong nagsawa. Plus the fact na yung mga kasama kong beterano na e gagatungan ka pa na "madami namang call center jan".. In short, nag resign nga ako.

Makalipas ang ilang buwan, nag apply na naman ako sa ibang call center. Sa Eastwood naman dahil mas malapit. At least tipid sa gas. Ü Ibang account naman ito. Financial. Wow! Hebigat mga repapips! Hahahahahha! Kasabay ko kuya ko mag apply at pareho naman kaming natanggap. Ayus! Kasama ko si Kuya. Mas intense naman ang training dito kasi nga pera ang pinag uusapan. Steady lang. Tumagal ako ng isang taon. Isang taon lang kasi may "bond" na tinatawag. Yung tipong pag nag resign ka ng wala pang isang taon, ikaw pa ang may utang. Hahahhaha. E dahil pangalawang call center ko pa lang ito, syempre takot pa ko. Pero ayos naman din sana kaya lang hindi ko nakukuha yung mga incentives ko kaya umalis na din ako.

Pangatlong call center ko mas malapit na sa amin. Mga 10 kilometers lang ang layo. Pwede na! Iwas trapik pa. Kakabukas lang ng site na ito kaya parang okay. In fairness, di na ko masyado kabado kasi pangatlo na ito. As usual, training na naman ng halos isang buwan.. Hehehehehe.. Petiks. Okay din yung account na napuntahan ko. As usual, agent pa rin ako. Makalipas ang 2 buwan, na promote na ko. Ayus! In all fairness, madali lang para sa akin yung account. Order taking lang. Mga isang taon at kalahati din ang inilagi ko sa kumpanya. Pulitika talaga. Sabi nga nila, kahit sa call center uso yun. Talamak pa kamo! So ganun na nga ang nangyari. Ayoko mang umalis, kailangan. Napulitika ako e.

Ngayon, halos tatlong taon at tatlong buwan na ko dito sa pang apat ko na call center. Okay naman. Pero nakakapanibago kasi hindi na Kano ang kausap mo. Puro Briton naman. Ah dito iba na.. hindi na ako ahente. Medyo tumaas na ng konti. :) Pero hindi din madali kasi puro ahente na ang hawak ko. Syempre, mas malaki sweldo pero mas malaking responsibilidad.

Sinanay ko na ang sarili ko sa pulitika. Mukhang kaya ko pa naman. Mahirap din ang buhay call center. Paiba iba ng schedule. Naikot ko na nga ang lahat ng pwedeng shift na mapasukan. Mapa umaga, hapon, gabi, at madaling araw. Wala kasing choice e. Interview pa lang, yan ang unang tanong. "Are you willing to work on Holidays? Weekends? Graveyard?" Nasanay na. Sa ordinaryong tao na tulad ko, iisipin mo na na sa panahon ngayon, call center na nga lang ang bubuhay sayo. Yung tipong maganda ang kita.

Buhay call center? Laging naka aircon. Bagong gadgets. Malakas mag yosi. Umiinom after shift, umaga man o gabi. Laging naka jacket kahit tirik na tirik ang araw. Hahahahaha. Mahirap lang kasi hindi normal ang araw mo. Hindi pare pareho ang day off. Minsan, hindi ko na nakikita ang mga tao dito sa bahay namin. Ang pangit kaya ng feeling.

Pero ako, malapit na magsawa.. Napapaisip ako minsan na ano kaya ang buhay ko sa labas ng call center? Ano kayang trabaho ang ginagawa ko kung wala ako dito? Minsan, naiisip ko pa na sayang naman ang pinag hirapan ko sa paaralan dahil nandito ako na malayo sa kursong kinuha ko.  Habang nag iisip ka ng ibang trabaho, iisipin mo naman kung kikitain mo ba sa iba yung kinikita mo ngayon.. Hay... ang hirap.. pero at the end of the day.. masaya pa din kasi kahit paano, kumikita ka ng sarili mong pera. :)

"It's just another manic Monday 
I wish it was Sunday 
'Cause that's my funday 
My I don't have to runday 
It's just another manic Monday"

Let's just be happy with what we have... :)

No comments:

Post a Comment